Fri, Aug 28, 2026

TSU nakiisa sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2026

Nakiisa ang Tarlac State University sa pagdiriwang ng Buwan ng mga Wika 2026 noong Miyerkules (ika-26 ng Agosto) na ginanap sa himnasyo ng TSU Main Campus.
by Maria Adelaida D. Calayag   – 2026 News

Share

Nakiisa ang Tarlac State University sa pagdiriwang ng Buwan ng mga Wika 2026 noong Miyerkules (ika-26 ng Agosto) na ginanap sa himnasyo ng TSU Main Campus.

Ang pagdiriwang na may temang "Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon" ay naglalayong magpamalas ng talento ng mga kalahok sa kompetisyon.

Mariing ibinahagi ni Dr. David Michael San Juan, Komisyoner ng Sub-commission on Cultural Dissemination ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at panauhing tagapagsalita at bisitang pandangal, ang pag-iwas sa palagiang paggamit ng Artificial Intelligence o AI ng mga estudyante na maaaring magdulot ng suliranin  sa hinaharap, tulad na lamang ng problema sa inuming tubig, kuryente, at iba pang likas na yaman.

Si Komisyoner San Juan ay isang manunulat, aktibista, at propesor sa Departamento ng Filipino ng De La Salle University (DLSU). Siya rin ang lead convener ng Alyansa ng mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino at vice chairperson ng College of Liberal Arts ng DLSU.

"Hanggat maaari ay huwag gumamit ng AI, unang-una, malakas ang pagkonsumo nito ng kuryente o enerhiya at alam naman natin na sa Pilipinas ay matagal nang may energy crisis. Mahal ang kuryente, madalas ang rotating brownouts, hindi lang sa Metro Manila, [pati sa] labas pa ng Metro Manila at lalo na sa mga probinsya," saad ni Komisyoner San Juan.

Ipinahayag din niya ang mga kapahamakan na maaaring idulot ng pagtatayo ng Pax Silica sa New Clark City sa bayan ng Capas.

Ayon kay Komisyoner San Juan, karugtong ng madalas na paggamit ng enerhiya mula sa mga fossil fuels ang malalaking carbon emissions, na nagdudulot ng matinding pagbabago ng klima at hindi lamang simpleng global warming.

"Sa mga wika ng ating lalawigan, ang DALAN ay nangangahulugang daan, at iyon din ang pangalan ng ating balangkas ng ating mahal na unibersidad. Naniniwala po ako na ang wika ang unang dalan. Daan at dalan pauwi sa aking pinagmulan at dalan pasulong sa isang kinabukasan na hindi natin kailangang ipagpalit ang pagka-Pilipino para makasabay sa mundo,” wika ni Pangulong Jasper Jay Mendoza sa kanyang bungad na pananalita.

Sa kabilang banda, nagpamalas naman ng talento sa Palabas Kultural ang mga grupo ng Salab Banua dance troupe, TSU Chorale, TSU Contemporary dance team, at TSU Hiphop dance troupe.

Ang kaganapang ito ay inorganisa ng Office of Culture, Arts and Language sa pamumuno ni Prof. Agusto Lulu Jr.

Photo by: Mr. Eduardo F. Laxamana Jr.